Photo Courtesy: BFAR MIMAROPA
Ni Samuel Macmac
Tumanggap ng libu-libong kilo ng Kappaphycus seaweed seedlings mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) MIMAROPA ang mga seaweed farmer ng nabanggit na bayan upang palakasin ang produksyon ng seaweeds sa lalawigan.
Nilalayong palakasin ang kabuhayan ng mga seaweed farmer sa Palawa kaya patuloy na tinutulungan ng BFAR MIMAROPA ang mga komunidad sa baybayin matapos ipamahagi ang 5,000 kilo ng naturang binhi ng seaweed para sa 50 magsasaka sa Narra, kamakailan.
Isinagawa ang aktibidad sa Sand Bar Island, Barangay Aramaywan, bilang bahagi ng Expanded Philippine Seaweed Development Program (EPSDP) na layong palakasin ang industriya ng seaweed at tiyakin ang tuluy-tuloy na kita ng mga mangingisda.
Pinangunahan ni Mario C. Basaya, Officer-in-Charge ng BFAR Provincial Fisheries Office-Southern Palawan, ang distribusyon katuwang ang mga tauhan ng BFAR at kinatawan mula sa Municipal Agriculture Office ng Narra. Dumalo rin ang Barangay Kagawad ng Aramaywan upang suportahan ang inisyatiba.
Binigyang-diin ng ahensya na makatutulong ang mga ipinamahaging de-kalidad na binhi para sa mas maayos na produksyon ng seaweed, magpapataas ng ani, at palakasin ang sektor ng pangisdaan at aquaculture sa rehiyon.
Samantala, nananatiling malaking bahagi ng kabuuang produksiyon ng pangisdaan sa Pilipinas ang seaweed noong 2025, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).