Photo Courtesy: PCSDS
Ni Samuel Macmac
Labis na naapektuhan ng bagyo ang ilang coral reef sa Shark Fin Bay, Taytay, Palawan, ayon sa ReefScan Survey na isinagawa ng Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) at mga katuwang na institusyon.
Sa pamamagitan ng SCANCoast Project, lumabas sa ikinasang pagsusuri ang matinding pinsala sa ilang bahagi ng Shark Fin Bay. Makapal na algal cover, mababang live coral cover,at pagkasira ng tirahan ng mga isda na malinaw na epekto umano ng bagyo at malalakas na alon sa naturang lugar.
Gayunman, binigyang-diin ng PCSDS na hindi lahat ng reef ay lubos na naapektuhan. Sa Outer Bay ng Taytay, nananatiling matibay ang mga coral reef na pinangungunahan ng massive at sub-massive corals. Nakita rin ang mga maliliit na corals na nagsisimula nang tumubo, kung saan nangangahulugan umano ng natural na panunumbalik ng ekosistema. Sa kabuuang 95 survey stations, natuklasan ang kalagayan ng bahura.
Ayon sa mga eksperto, mahalaga ang pagpapatupad ng ECAN zoning at no-take provisions ng Taytay Municipal Fisheries Ordinance upang bigyan ng pagkakataon ang mga bahura na makabawi.
Samantala, nakibahagi sa survey ang University of the Philippines Marine Science Institute (UP MSI) sa ilalim ng EMERGE Project, katuwang ang UP-Marine Environment and Resources Foundation (UP-MERF), World Wide Fund for Nature (WWF), Sulubaaï Environmental Foundation (SEF). Western Philippines University (WPU), at Municipal Agriculture Office ng Taytay.

Photo Courtesy: PCSDS