Ni Rodolfo Idusora
Inaresto ng pinagsanib na puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Palawan Provincial Field Unit at Police Station 1 ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) ang isang wanted person na nahaharap sa kasong estafa sa Barangay Tiniguiban, sa lungsod ng Puerto Princesa.
Isinagawa ang operasyon sa pangunguna ng Tracker Team ng CIDG Palawan PFU, katuwang ang Police Station 1 sa ilalim ng pamumuno ni PMAJ Noel A. Manalo.
Kinilala ng mga awtoridad ang naarestong suspek bilang si G. Vang, nasa hustong gulang at residente ng Barangay Tiniguiban.
Ayon sa pulisya, naaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inilabas noong Hulyo 13, 2026 ni Enrique C. Selda, Presiding Judge ng Municipal Trial Court in Cities (MTCC) Branch 3, Fourth Judicial Region sa Puerto Princesa City.
Nahaharap ang akusado sa kasong estafa sa ilalim ng Article 315, Paragraph 1(b) ng Revised Penal Code, na inamyendahan ng Section 85 ng Republic Act No. 10951. Nakasaad sa rekord ng kaso na may inirekomendang piyansang nagkakahalaga ng ₱18,000 para sa pansamantalang kalayaan ng akusado.
Matapos ang pag-aresto, ipinaalam sa suspek ang dahilan ng kanyang pagkakadakip at ang kanyang mga karapatan alinsunod sa Konstitusyon. Dinala siya sa kustodiya ng CIDG Palawan Provincial Field Unit habang hinihintay ang kanyang pagharap sa hukuman na naglabas ng warrant para sa kaukulang proseso.
Ayon sa Puerto Princesa City Police Office, bahagi ng kanilang patuloy na kampanya laban sa kriminalidad ang pagsasagawa ng mga operasyon upang maaresto ang mga indibidwal na may nakabinbing kaso at matiyak na haharap ang mga ito sa korte alinsunod sa umiiral na batas at sa tamang proseso ng hustisya.
Patuloy namang hinihikayat ng pulisya ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon na makatutulong sa paghahanap at pag-aresto sa iba pang mga wanted person sa lungsod.