Photo Courtesy:
Repetek News
Ni Rodolfo Idusora
Nilinaw ni City Councilor Luis Marcaida III na walang kapangyarihan ang Sangguniang Panlungsod ng Puerto Princesa na magtakda ng farmgate o liveweight price ng mga buhay na baboy sa lungsod, sa kabila ng matagal nang hinaing ng mga hog raisers tungkol sa mababang bilihan.
Ayon kay Marcaida, ilang ulit nang natalakay sa Konseho ang isyu ngunit batay sa opinyon ng City Legal Office, hindi saklaw ng lokal na pamahalaan ang pagtatakda ng presyo ng mga buhay na baboy.
Ipinaliwanag niya na ang Price Control Committee (PCC) ng Department of Agriculture (DA) ang may mandato na magtakda ng farmgate price na sinusunod sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sinabi rin ng konsehal na hindi maaaring gumawa ng sariling presyo ang City Council kahit nais nitong matulungan ang mga lokal na hog raisers.
Sa halip, pinag-aaralan ng konseho ang iba pang paraan upang mabigyan ng tulong ang mga nag-aalaga ng baboy. Kabilang dito ang pag-adopt sa mga umiiral na guidelines ng Department of Agriculture.
Hinihintay rin ng konseho ang opisyal na kopya ng itinakdang liveweight price mula sa DA upang masuri kung sapat ito kumpara sa gastos ng mga hog raisers sa pagpapalaki ng kanilang mga alagang baboy.
Ayon pa kay Marcaida, naniniwala siyang dapat lumagpas sa ₱150 kada kilo ang farmgate price upang magkaroon ng sapat na kita ang mga nag-aalaga ng baboy at hindi sila malugi.
Isa rin sa mga nakikitang solusyon ang direktang pagtulong ng city government sa pagbili ng mga baboy mula sa mga hog raisers at pagdadala ng mga ito sa kabayanan para maibenta.
Bukod dito, isinusulong din ng konseho ang isang ordinansa na mag-oobliga sa lahat ng middleman o bumibili ng baboy para sa bentahan na kumuha ng Mayor’s Permit. Layunin nitong magkaroon ng mas malinaw na pananagutan at mas maayos na sistema sa bentahan at presyuhan ng mga alagang baboy sa Puerto Princesa.