Photo courtesy: CGDPAL
Ni Rodolfo Idusora
Nasagip ng Philippine Coast Guard (PCG) ang 58-anyos na bangkero matapos tumaob ang kanyang motorized banca sa karagatang sakop ng Bgy. Pag-asa, Kalayaan Island Group, Palawan, noong Hulyo 27, 2026.
Kinilala ang nasagip na si Romeo Malaguit.
Ayon sa PCG, bandang alas-8:40 ng umaga nang mapansin ng mga tauhan ng Maritime Security Response Unit–Kalayaan Island Group (MSRU-KIG) ang tumaob na bangka na nasa humigit-kumulang 500 metro mula sa hilagang-kanlurang bahagi ng Bgy. Pag-asa.
Agad na iniulat ang insidente sa Coast Guard District Kalayaan Island Group (CGDKIG), na kaagad namang nagpadala ng rescue team kasama ang Coast Guard Station Pag-asa, MSRU-KIG, at iba pang yunit upang magsagawa ng rescue operation.
Pagdating ng mga rumesponde, natagpuan si Malaguit na nakasakay pa rin sa nakataob na bangka. Una umano siyang tumangging iwan ang kanyang sasakyang pandagat. Sa kabila ng malakas na hangin at alon na nagpahirap sa operasyon, matagumpay siyang nailigtas sa tulong ng isang sibilyang motorized banca.
Dinala si Malaguit sa Rural Health Unit para sa medical evaluation. Lumabas sa pagsusuri na nasa maayos siyang kalagayan at walang natamong pinsala.
Sa imbestigasyon ng Coast Guard, nalaman na papunta sana si Malaguit upang kunin ang kanyang mga suplay habang inililipat ang mga kargamento mula sa Philippine-registered motor tugboat na MTUG CAPH. Bandang alas-8:25 ng umaga, sinubukan niyang umalis sa daungan ng Brgy. Pag-asa ngunit tinangay ng malakas na hangin ang kanyang bangka hanggang sa ito ay tumaob.
Ayon sa PCG, ipinakita ng mabilis na pagtugon ng Coast Guard at mga katuwang nitong yunit ang kanilang patuloy na layunin na tiyakin ang kaligtasan ng mga mamamayan, lalo na sa mga malalayong bahagi ng karagatan ng bansa.