Photo courtesy: Antonio Saxor
Ni Rodolfo Idusora
Ligtas ang limang sakay ng isang 10-wheeler truck nang ito’y dumiretso’t mahulog sa gilid ng kalsada habang umaakyat sa bahagi ng Barangay Luzviminda, Puerto Princesa City, noong Hulyo 29, taong kasalukuyan.
Ayon sa paunang impormasyon, hindi umano kinaya ng truck ang bigat ng karga nito habang binabaybay ang matarik na bahagi ng kalsada. Nawalan ng kontrol ang drayber at unti-unting umatras ang sasakyan bago tuluyang bumulusok sa gilid ng kalsada.
Batay naman sa ilang saksi, nakita nilang hirap na umakyat ang truck bago mangyari ang insidente. Ilang sandali lamang ay nawalan na ito ng kontrol hanggang sa mahulog sa mababang bahagi ng kalsada.
Sa kabila ng nangyari, ligtas na nakalabas ang limang sakay ng truck, kabilang ang drayber. Ilan sa kanila ang nagtamo ng mga galos sa braso at binti, ngunit wala namang naiulat na malubhang nasugatan o nasawi.
Agad namang nagtungo sa lugar ang mga kinauukulang awtoridad upang tiyakin ang kaligtasan ng mga sakay at magsagawa ng paunang imbestigasyon. Sinuri rin ang lugar upang matiyak na walang iba pang sasakyang maaapektuhan habang isinasagawa ang pagresponde.
Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang eksaktong sanhi ng insidente. Isa sa mga tinitingnang dahilan ay ang bigat ng karga ng truck at ang matarik na bahagi ng kalsada na maaaring nakaapekto sa kakayahan nitong umakyat nang ligtas.
Pinaalalahanan din ang mga drayber ng malalaking sasakyan na tiyaking nasa maayos na kondisyon ang kanilang sasakyan at hindi sosobra sa itinakdang kapasidad ng karga. Mahalaga rin ang pag-iingat lalo na sa mga paakyat at pababang kalsada upang maiwasan ang kaparehong aksidente.