Inanyayahan si Marcos Jr. kamakailan
Photo Courtesy: Mayor Lucilo Bayron FB Page
Ni Clea Faye G. Cahayag
Inimbitahan ni Punong Lungsod Lucilo Bayron si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na dumalo sa pagdiriwang ng Balayong Tree Planting and Nurturing Festival sa lungsod ng Puerto Princesa noong Sabado, Hulyo 25.
Ayon kay Bayron, ang puno ng Balayong ay kinikilala bilang “Palawan Cherry Blossoms” na madalas inihahambing sa “Sakura” ng bansang Japan.
“Ginoong Pangulo, malugod din po namin kayong inaanyayahan na makiisa sa Balayong Tree Planting and Nurturing Festival. Umaasa po kami Ginoong Pangulo na sa Sabado o sa mga darating pang ibang panahon na magkaroon kayo ng pagkakataon na mabisita ang Puerto Princesa Balayong People’s Park, ang kauna-unahang Urban Forestry Project sa ating bansa,” ang imbitasyon ni Bayron kay PBBM.
Hiniling din ng Alkalde sa Pangulo na mainspeksyon ang itinatayong 5-Storey Low- Cost Housing Project sa ilalim ng Pambansang Pabahay Program na pinondohan ng Social Housing Finance Corporation.
Ang naturang proyekto ay matatagpuan sa 22-ektaryang lupain ng City Government sa Barangay Irawan na inaasahang makapagbibigay ng tahanan sa 6,030 pamilya sa lungsod.
Ito na ang ikaapat na opisyal na pagbisita ni PBBM sa siyudad. Dahil dito, nagpaabot ng pasasalamat ang Alkalde sa patuloy na suporta at malasakit ng Pangulo sa mga mamamayan ng Puerto Princesa.
“Maraming salamat sa inyong muling pagbisita sa lungsod ng Puerto Princesa at sa patuloy niyong pagmamalasakit sa mga kababayan natin. Nawa’y patuloy kayong pagkalooban ng Diyos ng kalusugan at lakas sa pamumuno sa ating bansa”.