Viral na kaguluhan sa mall, walang kasong isasampa sa mga menor de edad
Ni Rodolfo Idusora
Naglabas ng opisyal na pahayag ang Police Station 1 ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) kaugnay ng viral na insidente ng kaguluhan na kinasangkutan ng ilang kabataang estudyante sa loob ng isang mall sa Puerto Princesa City.
Ayon sa pulisya, naganap ang insidente noong Hulyo 31, 2026. Matapos matanggap ang ulat, agad na rumesponde ang mga pulis at dinala sa himpilan ang mga kabataang sangkot upang sumailalim sa imbestigasyon at sa mga kinakailangang legal na proseso.
Sa isinagawang pag-uusap ng mga magulang ng mga kabataan at ng pamunuan ng mall, nagkasundo ang magkabilang panig na hindi na magsasampa ng reklamo. Pumayag ang mga magulang na sagutin ang halaga ng mga kagamitang nasira sa insidente kaya hindi na itinuloy ang paghahain ng kaso.
Matapos ang lahat ng police procedures, itinurn-over ang mga menor de edad sa Barangay Council for the Protection of Children (BCPC) para sa kaukulang intervention at iba pang hakbang na naaayon sa umiiral na batas para sa mga batang may kaugnayan sa batas.
Kasabay nito, nanawagan ang Police Station 1 sa publiko na itigil ang pagpapakalat at pagre-repost ng video ng insidente sa social media. Ayon sa pulisya, mahalagang pangalagaan ang privacy at kapakanan ng mga menor de edad na sangkot.
Hinikayat din ng pulisya ang publiko na huwag magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon at iwasan ang agarang paghusga sa mga taong sangkot. Binigyang-diin ng Police Station 1 na ang bawat insidente ay dapat dumaan sa tamang proseso ng imbestigasyon at resolusyon habang iginagalang ang karapatan ng lahat, lalo na ng mga kabataan.