Kable ng streetlight, tsinap-chop
Ni Rodolfo Idusora
Namataan ng mga barangay tanod ang dalawang kahina-hinalang mga kalalakihan na gumagala sa Macopa Road, Barangay San Jose, Lungsod ng Puerto Princesa, na kung saan natuklasang pinutol ang mga kable ng streetlight sa nabanggit na lugar.
Ayon kay Punong Barangay Jenifer “Dods” Trinidad ng nabanggit na barangay, habang nagsasagawa ng “Oplan Linis” ang mga opisyal ng barangay kahapon malapit sa Memorial Park, napansin nila na putol ang kable ng mga streetlight.
Agad namang nagbigay ng direktiba si Punong Barangay Trinidad sa mga barangay tanod na bantayan ang lugar dahil posibleng balikan ng mga suspek ang mga kable. May hukay na rin umano sa lugar at hindi pa tuluyang nahuhugot ang ilang bahagi ng wire.
Bandang alas-1:00 ng madaling-araw, muling nag-monitor ang mga tanod sa lugar. Dito nila napansin ang dalawang lalaki na umano’y kahina-hinalang gumagalaw sa paligid.
Sinundan ng mga tanod ang dalawa hanggang sa lumusot ang mga ito sa isang eskinita at dumiretso patungo sa Santol Street.
Naabutan ng mga tanod ang dalawang lalaki at sinita. Tumawag din sila sa kanilang opisyal at inatasang dalhin ang mga ito sa outpost para maimbestigahan.
Habang hinahawakan ng mga tanod ang isa sa mga lalaki, bigla umano itong pumiglas at tumalon patungo sa bahagi ng creek.
Sinubukan itong hanapin ng mga tanod ngunit hindi na nila nakita ang lalaki.
Ang isa namang lalaki ay dinala sa barangay outpost para sa paunang imbestigasyon bago tuluyang itinurn-over sa Police Station 2 (PS2) ng Puerto Princesa City Police Office.
Pahayag pa ni Trinidad na lubhang perwisyu na aniya sa kanilang mga residente ang halos sunud-sunod na insidente ng nakawan ng kable na siyang nagiging dahilan kung kaya’t nagiging madilim na ang maraming bahagi ng kanilang Barangay.