August 8, 2026
FB_IMG_1786203145558

Photo Courtesy: PPCPO

Ni Rodolfo Idusora

Dugtong buhay ang ginawa ng isang pulis ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) upang matulungan ang kanyang ama na nangangailangan ng agarang blood transfusion dahil sa mababang hemoglobin.

Kinilala ang pulis na si Police Executive Master Sergeant (PEMS) Daniel T. Valdez, Station Executive Senior Police Officer (SESPO) ng Police Station 1.

Ayon sa Police Station 1, hindi nag-atubili si Valdez na mag-donate ng dugo nang malaman ang kalagayan ng kanyang ama. Dahil dito, agad siyang tumugon upang makatulong sa kinakailangang gamutan ng kanyang magulang.

Ipinakita ng kanyang ginawa ang kahalagahan ng pagtulong sa pamilya at ang kahandaan niyang magsakripisyo sa oras ng pangangailangan.

Bagaman kilala ang mga pulis sa pagpapanatili ng kaayusan at pagbibigay ng seguridad sa publiko, ipinakita rin ng insidenteng ito ang kanilang malasakit sa sariling pamilya.

Kasabay nito, hinikayat ng Police Station 1 ang publiko, lalo na ang mga kwalipikadong indibidwal, na maging boluntaryong blood donor. Ayon sa kanila, ang isang donasyon ng dugo ay maaaring makatulong sa mga pasyenteng nangangailangan ng agarang dugo at maaaring makapagligtas ng buhay.

Nagpahayag din ng suporta ang Puerto Princesa City Police Office kay PEMS Valdez at sa kanyang pamilya. Umaasa rin ang pamunuan ng pulisya sa mabilis na paggaling ng kanyang ama.

Ayon sa istasyon, ang ginawa ni Valdez ay nagpapakita na ang paglilingkod ay hindi lamang sa trabaho kundi maging sa loob ng tahanan; isang paalala na ang malasakit, sakripisyo, at paglilingkod ay hindi lamang ipinapakita sa pagsasagawa ng tungkulin bilang pulis kundi maging sa pagtulong sa sariling pamilya at sa iba pang nangangailangan. Ang kanyang naging hakbang ay nagsisilbing inspirasyon sa iba na magbahagi ng dugo at tumulong sa pagligtas ng buhay.

Author

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *