Tulong pang-agrikultura sa Balabac, matagumpay na naipamahagi
Photo Courtesy: LPMU
Ni Albert Villamor Jr.
Natanggap na ang ikatlong batch ng KANEGOSYOPA o Kagamitang Negosyong Pangkabuhayan, sa Balabac, Palawan, kasama ang ilan pang tulong-pangagrikultura, Agosto 12–14, 2026, para sa mga seaweed farmers at organisasyon.
Ang ipinamahaging tulong ay para sa mga naghahanapbuhay sa pagpapalago at pagbebenta ng seaweed (damong-dagat) katulad ng seaweed livelihood inputs at propagules, at iba pang mga tulong pang-agrikultura mula sa Provincial Agriculture Office (PAgO).
Ang mga lugar na sakop ng programa ay ang Sitio Segampal, Sitio Matangule, Sitio Bahayan, Barangay Sebaring, at Barangay Bancalaan.
Kabilang sa mga naging benepisyaryo ay ang Matangule-Marabon Seaweeds Farmers Association, Segampal Bancalaan Seaweeds Farmers Association, at Bahayan Multipurpose Livelihood Association. Nagpasalamat ang mga pangulo at miyembro ng bawat organisasyon sa Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan.
Pinangunahan ang pagpatutupad ng programa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan, sa pamamagitan ng Livelihood Project Management Unit (LPMU) ng Office of the Governor.
Nasa seremonya rin ang General Services Office (GSO) para mag-inspeksyon sa mga kagamitang ipapamahagi. Nasa seremonya rin ang Coca-Cola Europacific Aboitiz Philippines na nagkaloob ng mga empty plastic bottles para maging floaters ng mga seaweed na palalaguin.