Suspensyon vs Danao, ipinatupad na
Photo Courtesy Mayor Gerandy Danao FB
Ni Ferds Cuario
Epektibo simula nitong Agosto 17 ang siyamnapung (90) araw na suspensyon laban kay Narra Mayor Gerandy Danao, kasunod ng kautusan ng Office of the Ombudsman.
Mismong si Danao ang nagkumpirma sa flag-raising ceremony ng Municipal Government na ipatutupad na ang suspension order laban sa kanya.
Pansamantalang magiging alkalde o uupong acting mayor si Municipal Vice Mayor Edmond “Jojo” Gastanes sa nasabing ‘period of suspension’ upang pangasiwaan ang operasyon ng munisipyo at matiyak ang tuluy-tuloy na paghahatid ng serbisyo publiko.
Kasunod ng pag-upo ni Gastanes bilang acting mayor, si Sangguniang Bayan Member Dante Danao, nakatatandang kapatid ng suspendidong alkalde, ang pansamantalang gaganap bilang vice mayor.
MAY KINALAMAN SA PERJURY CASE
Ang suspensyon ay nag-ugat sa reklamong administratibo na isinampa noong 2024 ni Joel Pelayo laban kay Danao kaugnay ng isang sinumpaang affidavit na ginamit ng alkalde sa pagkuha ng travel authority patungong Brunei Darussalam noong Enero 2024.
Ayon sa Office of the Ombudsman, idineklara umano ni Danao sa notarized na “Affidavit of No Pending Case” na wala siyang nakabinbing kasong administratibo o kriminal.
Batay naman sa mga rekord na tinukoy ng Ombudsman, mayroon umanong mga kasong nakabinbin laban sa alkalde nang isumite ang naturang affidavit.
Sa resolusyon ng Office of the Deputy Ombudsman na may petsang Disyembre 1, 2025, sinabi nitong may probable cause upang sampahan si Danao ng kasong perjury o paglabag sa Article 183 ng Revised Penal Code.
Ang perjury ay tumutukoy sa pagbibigay ng sinumpaang pahayag na umano’y hindi totoo sa ilalim ng mga kondisyong itinatakda ng batas.
KAMPO NI DANAO: POLITIKAL ANG REKLAMO
Samantala, mariing itinanggi ng kampo ni Danao ang alegasyon na may ginawang malisyosong paglabag ang alkalde at iginiit na naniniwala silang politically motivated ang reklamo.
Ayon sa kanyang kampo, may mga taong umano’y nasa likod ni Pelayo sa pagsasampa ng reklamo. Gayunman, wala pa silang tinutukoy na partikular na pangalan o personalidad na sinasabing nasa likod nito.
Sa ngayon, epektibo na ang 90-araw na suspensyon at si Gastanes ang may hawak ng mga tungkulin ng alkalde ng Narra habang ipinapatupad ang kautusan.
Ang suspensyon ay isang administratibong parusa at hindi nangangahulugang pinal nang napatunayang nagkasala sa kasong kriminal si Danao. Ang usapin sa umano’y perjury ay hiwalay na proseso at nakasalalay sa magiging aksyon at desisyon ng mga kinauukulang awtoridad.