Nasawi nang mabagsakan ng kable sa Abanico
Babala: Sensitibong paksa at larawan. Maging disente sa pagkomento. Photo courtesy: Legendary TV
Ni Rodolfo Idusora
Malagim na aksidente ang naitala bago mag-alas-dose ng tanghali nitong araw ng Miyerkules, Setyembre 2, sa bahagi ng Abanico Road, Barangay San Pedro, Lungsod ng Puerto Princesa.
Batay sa paunang impormasyon mula sa mga nakasaksi at internet uploader na Legendary TV, isang motorsiklo na may sakay na babaeng estudyante ang umano’y nasa likuran ng isang trailer truck nang masabit ang truck sa mga wire na nakalaylay sa kalsada.
Nang maputol umano ang mga wire, bumagsak ang mga ito sa likuran ng trailer truck at tinamaan ang motorsiklo na kasunod nito.
Sa insidente, isang babaeng nakasuot ng school uniform ang naiulat na nasawi. May impormasyon ding nagsasabing siya umano ang angkas ng motorsiklo.
Naganap ang insidente dakong alas-11:40 ng umaga.
Agad namang napansin ng mga motorista at mga residente ang insidente sa lugar.
Nagpaalala rin ang nag-upload ng impormasyon sa mga motorista na mag-ingat at iwasang masyadong sumunod sa malalaking sasakyan, lalo na sa mga lugar na may nakalaylay na mga kable o wire.
Gayunman, hindi pa malinaw sa ngayon ang buong detalye kung paano eksaktong nangyari ang aksidente at kung sino ang may pananagutan sa pagkakabit o pagkakalaylay ng mga wire.
Wala pa ring inilalabas na opisyal na police report ang Puerto Princesa City Police Office kaugnay ng insidente.
Patuloy na hinihintay ang opisyal na pahayag ng mga awtoridad upang makumpirma ang pagkakakilanlan ng nasawing biktima, gayundin ang iba pang detalye ng aksidente.