September 28, 2026
FB_IMG_1790574371588

Photo Courtesy: PPCPO

Ni Rodolfo Idusora

Arestado sa ikinasang operasyon ng mga kapulisan sa Irawan Transport Terminal and Public Market, Barangay Irawan, South National Highway, Puerto Princesa City, ang 30-anyos na lalaki na kabilang sa listahan ng most wanted persons bandang 5:40 ng hapon noong Setyembre 23.

Kinilala ang naarestong suspek sa alyas na “Esto,” isang construction worker, at residente ng Purok Aplaya, Barangay Tagburos, nabanggit na lungsod.

Isinagawa ang pag-aresto ng mga kapulisan sa koordinasyon ng Quezon Municipal Police Station (Quezon MPS).

Inaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Ramon Chito Rada Mendoza, presiding judge ng Regional Trial Court, Fourth Judicial Region, Branch 165, Brooke’s Point, Palawan.

Ang warrant ay may kaugnayan sa kasong attempted murder sa ilalim ng Article 248 ng Revised Penal Code, na nakatala sa Criminal Case No. 22-01201-QZN.

May inirekomendang piyansa na ₱120,000 para sa nasabing kaso.

Nakasaad sa warrant ang petsang Marso 30, 2022. Dinala ang suspek sa Police Station 2 sa Barangay Irawan, Puerto Princesa City, kung saan siya kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya para sa dokumentasyon at kaukulang proseso.

Ayon sa pulisya, bahagi ang pag-aresto sa patuloy na operasyon laban sa mga wanted person na may umiiral na warrant of arrest.
Isasailalim sa kaukulang proseso ang suspek bago siya iharap sa korte na naglabas ng warrant para sa susunod na hakbang sa kanyang kaso.

Author

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *