3 bayan sa Palawan, lalaban sa Regional level
Photo courtesy: Repetek
Ni Clea G. Cahayag
Patuloy ang Department of Trade and Industry (DTI) sa paghahanap ng “Most Consumer-Friendly Public Market” sa buong rehiyon ng MIMAROPA sa pamamagitan ng programang Pamilihang Bayan ng Bidang Mamimili o PBBM.
Sa Palawan, tatlong munisipyo ang napiling kumatawan sa lalawigan sa regional level ng kompetisyon—ang Bataraza, Roxas at Narra.
Ayon kay DTI Palawan Provincial Director Hazel Salvador, ang tatlong bayan ang magiging entries sa regional level at makakalaban ang iba pang lalawigan ng MIMAROPA.
“For the provincial level, itong tatlong munisipyo na ito ang ilalaban natin at the regional level. Silang tatlo ang entry natin na lalaban. Kakalabanin nila ang other provinces sa buong Mimaropa,” ani Salvador sa ginanap na Kapihan sa Philippine Information Agency (PIA) Palawan noong Oktubre 1,2026.
Ang Pamilihang Bayan ng Bidang Mamimili o PBBM ay inilunsad ng DTI MIMAROPA upang kilalanin at hanapin ang namumukod tanging pamilihang bayan sa rehiyon.
Kabilang sa mga pamantayang sinusuri sa ilalim ng programa ang wastong paggamit ng timbangan,
malinis at ligtas na kapaligiran, may sapat at madaling magamit na mga pasilidad at may inobasyon upang higit na mapadali ang pamimili at pagtitinda.
Isinasagawa ang programa sa pakikipagtulungan ng Department of Agriculture (DA) MIMAROPA, Department of the Interior and Local Government (DILG) MIMAROPA, Consumer Protection and Advocacy Bureau (CPAB) ng DTI, at Philippine Information Agency (PIA) MIMAROPA.
Nakatakdang isagawa ngayong Oktubre ang awarding ceremony kasabay ng taunang OBRA MIMAROPA o ang Regional Trade Fair for the Mimaropa Region.