Contributed photo
Ni Ferds Cuario
Umani ng matinding reaksiyon sa social media ang isang Facebook post ng grupong Brooke’s Point Defender na nag-uugnay kay Brooke’s Point Sangguniang Kabataan Federation President Jayson Rey Sespeñe sa umano’y pamemeke ng pirma ng isang miyembro ng SK Council para sa paglalabas ng pondo.
Sa naturang post, inakusahan si Sespene ng umano’y pamemeke ng pirma ni SK Kagawad Jean Doria. Ayon sa grupo, ang nasabing alegasyon ay may kaugnayan sa mga dokumentong ginamit upang makapaglabas ng pondo.
Bukod dito, binatikos din ng grupo si Sespene dahil sa kanyang naging posisyon sa usapin ng land-use zoning sa Brooke’s Point, partikular ang umano’y pagsuporta sa pagpapalawak ng mga lugar na maaaring pagdausan ng pagmimina.
Kasabay ng pagkalat ng mga alegasyon, naging viral din sa social media ang isang public apology video kung saan mapapanood sina Sespene, kasama ang SK Secretary at Treasurer, na humihingi ng pang-unawa at kapatawaran sa publiko.
Sa naturang video, inamin ng mga opisyal ang pagkakaroon ng pagkukulang kaugnay ng kanilang tungkulin at nanawagan ng pagkakataong maituwid ang anumang pagkakamali. Gayunman, hindi malinaw sa video kung tuwirang tinukoy o inamin nila ang mga partikular na alegasyong ibinabato laban sa kanila.
Nagbunsod naman ito ng iba’t ibang reaksiyon mula sa mga residente at netizens, kung saan marami ang nananawagan ng masusing imbestigasyon upang matukoy ang buong katotohanan sa isyu.
Sa ngayon, patuloy pang sinusubukan ng REPETEK News ma makuha ang panig nina Sespeñe at iba pang sangkot upang mabigyan ng pagkakataong maipaliwanag ang kanilang panig sa kontrobersiya.