Repetek News
Ni Samuel Macmac
Tatlong araw na consevativion break ang ipinatupad sa Puerto Princesa Subterranean River National Park (PPSRNP) upang bigyang pahinga ang likas na yaman nito mula sa epekto ng araw-araw na turismo.
Pansamantalang isinara ng Pamahalaang Panlungsod ang PPSNRP bilang bahagi ng kampanyang #LetTheRiverRest na layong bigyang pagkakataon ang mga hayop at halaman sa loob ng parke na makabalik sa kanilang normal na galaw at makapagpahinga mula sa patuloy na pagbisita ng mga turista.
Ayon sa Protected Area Management Board (PAMB), ang hakbang na ito ay bahagi ng pangmatagalang plano upang mapanatili ang kalusugan ng buong kapaligiran ng parke.
Sa panahon ng break mula Hulyo 1-3, 2026, nagsasagawa ng pagsusuri ang mga eksperto sa kalidad ng tubig at hangin, habang ang mga park rangers, baotmen, at tour guides ay sumasailalim sa refresher training para sa mas ligtas at responsableng ecotourism. Balik operasyon muli ang parke sa Hulyo 4.
Binigyang-diin ng Pamahalang Panlungsod na mahalagang mabalanse ang turismo at pangangalaga upang mapanatiling ligtas ang mga paniki, swiftlets, at iba pang nilalang sa loob ng kuweba.
Ang PPSNRP, isang UNESCO World Heritage Site at kinikilalang New7Wonders of Nature, dinarayo ang Underground River ng libu-libong lokal at dayuhang bisita bawat taon.