Apurawan, nais gawing sentro ng hybrid coconut
Photo Courtesy: Repetek
Ni Clea Faye G. Cahayag
Nais gawing pangunahing pinagkukunan ng hybrid coconut ang Barangay Apurawan sa Aborlan, Palawan.
Hinihikaya’t ni Congressman Gil Acosta Jr. ang mga magniniyog sa nabanggit na lugar na manguna sa pagpapalawak ng produksyon ng hybrid coconut sa buong lalawigan.
“Inuna po namin kayo dahil ang pakiwari namin ng Philippine Coconut Authority (PCA)-Palawan kayo sa [Barangay] Apurawan ang may malapad na kaniyugan. Kayo sa Apurawan ang dapat manguna sa pagtatanim ng hybrid na mga coconut.
‘Yun ating gusto dumami ang semilya ng Tacunan dito sa lalawigan ng Palawan at manguna ang Third District dito sa bayan ng Aborlan–Barangay Apurawan,” ang pahayag ng Kongresista matapos ang pamamahagi ng coconut seedlings sa mga benepisyaryo.
Kuwento ni Acosta, nasa 14,000 coconut seeds ang kanyang binili sa halagang ₱50.00 bawat isa. Ito ay inangkat pa umano sa Davao. Kinailangan pa itong isakay sa container van, dalhin sa pier, at muling isakay sa barko bago makarating sa Aborlan.
Sa kabila ng hamon sa transportasyon at gastos dahil tumagal ng tatlong (3) buwan ang proseso, sinabi niyang ipamamahagi ito ng libre upang mapalawak ang pagtatanim at maparami ang produksyon ng hybrid coconut sa probinsya.
Binigyang-diin ang kahalagahan na maging matagumpay ang pagpapatupad ng programa dahil dito nakasalalay ang pagpapalawak ng produksyon sa Ikatlong Distrito ng Palawan.
“Kailangan po galingan natin dahil sa atin po nakasalalay kung mag failure po ang Apurawan, failure po ang buong Third District ng Palawan,” saad ng Kongresista.
Sa hiwalay na pahayag ni PCA Palawan Acting Division Chief l Engr. Arlo G. Solano, kung mapaparami ang mga ipamamahaging punla ng niyog posibleng magkaroon ng sariling pinagkukunan ng planting materials ang Palawan sa loob ng tatlo (3)hanggang limang (5) taon.
“Five (5) years from now, possible pwede tayong maging self-sufficient pagdating sa planting materials pagdating sa coconut dito sa ating lalawigan ng Palawan,” ayon kay Solano.
Kapag naging matagumpay ang programa, maaaring maging supplier din ang Palawan ng coconut seedlings sa iba pang probinsya sa rehiyon ng Mimaropa.