Arestado sa drug buy-bust sa San Manuel
Editor’s Note: “Blurred” ang larawan ng biktima o suspek alinsunod sa probisyon ng Data Privacy Act. | Photo courtesy: kgd Jerald Gales
Ni Rodolfo Idusora
Naaresto ang dalawang lalaki sa isinagawang drug buy-bust operation sa Purok Buhanginan, Barangay San Manuel, Puerto Princesa City, noong gabi ng Agosto 13.
Kinilala ang mga suspek na sina Jas at Jeff, na kapwa umano may naunang pagkakasangkot sa mga insidenteng may kaugnayan sa ilegal na droga.
Ayon sa impormasyon mula sa operasyon, tatlong beses na umanong nahuli si Jas, habang dalawang beses naman nang nasangkot at nahuli si Jeff sa mga kasong may kaugnayan sa ilegal na droga.
Isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng CPEDU, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine Drug Enforcement Group (PDEG) matapos ang isinagawang koordinasyon at paghahanda para sa target na transaksyon.
Sa operasyon, isang pakete umano ng hinihinalang shabu ang nakuha mula sa isinagawang buy-bust transaction.
Bukod dito, dalawang sachet ng hinihinalang shabu ang nakuha umano mula sa bulsa ni Jas. May isa pang pakete ng hinihinalang ilegal na droga na sinasabing hawak naman ni Jeff nang isagawa ang pag-aresto.
Sa kabuuan, apat na pakete ng hinihinalang shabu ang iniulat na nakuha sa operasyon, kabilang ang pakete mula sa buy-bust transaction.
Sa panayam matapos ang operasyon, inamin umano ni Jas na nagbebenta siya ng ilegal na droga. Sinabi naman nito na napasama lamang umano si Jeff.
Hindi pa naglalabas ng pinal na detalye ang mga awtoridad kaugnay sa eksaktong bigat at halaga ng nakumpiskang hinihinalang shabu.
Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang dalawang suspek para sa dokumentasyon, imbestigasyon at kaukulang disposisyon.
Inihahanda naman ang mga kinakailangang dokumento para sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga suspek alinsunod sa umiiral na batas.