Photo courtesy: Atin Ito Coalition
Ni Ferds Cuario
Mahigit 2,000 katao ang nakiisa sa West Philippine Sea (WPS) Parade sa Puerto Princesa City nitong Linggo bilang paggunita sa ika-10 anibersaryo ng makasaysayang tagumpay ng Pilipinas sa arbitral ruling laban sa China.
Pinangunahan ng Atin Ito Coalition, sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan, ang parada na dinaluhan ng iba’t ibang sektor ng lipunan bilang pagpapakita ng pagkakaisa sa pagtatanggol sa karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Kabilang sa mga dumalo sina Atin Ito Convenor Rafaela David, Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña, Palawan Board Member Ferdinand Zaballa, Kalayaan Vice Mayor MP Albayda, at folk singer na si Noel Cabangon. Nakiisa rin ang mga opisyal ng lalawigan, mga mangingisda, kabataan, civil society organizations, at iba pang residente.
Ayon sa Atin Ito Coalition, ang arbitral ruling noong Hulyo 12, 2016 ay isang makasaysayang panalo ng Pilipinas dahil kinilala nito ang sovereign rights at hurisdiksyon ng bansa sa West Philippine Sea at ibinasura ang malawak na pag-aangkin ng China sa halos buong South China Sea.
Iginiit ng koalisyon na hindi dapat manatili sa papel lamang ang naturang desisyon. Anila, kailangan itong samahan ng tuloy-tuloy na pagkilos upang maprotektahan ang soberanya ng bansa, maipatupad ang international law, at mapangalagaan ang kabuhayan ng mga mangingisdang umaasa sa yamang-dagat ng West Philippine Sea.
Nanawagan din ang Atin Ito sa patuloy na pagkakaisa ng mga Pilipino upang mapanatili at maipaglaban ang mga karapatang kinilala ng makasaysayang arbitral ruling para sa kasalukuyan at sa mga susunod na henerasyon.