Photo courtesy: CIO FB LIVE
Ni Clea Faye G. Cahayag
Nakatanggap si Punong Lungsod Lucilo Bayron ng isang gitara bilang birthday gift mula sa City Assessor’s Office sa pagdiriwang ng kanyang ika-80 kaarawan noong Hulyo 7.
Ayon sa alkalde, sinubukan niyang tugtugin ang gitara noong nakaraang weekend ngunit napansin niyang sumasakit na ang kanyang mga daliri kaya hindi na umano niya ito mapapakinabangan.
Kung ibibigay niya naman ito sa kanyang apo ay maitatago lamang ito dahil hindi naman mahilig tumugtog ng gitara ang bata.
Ngayong araw ng Lunes, matapos ang flagraising ceremony ng City Government, ipinaabot ng Alkalde ang kanyang desisyon na ibigay na lamang ang gitara sa City Band para mapakinabangan ng mga kabataan na nagnanais matutong tumugtog ng gitara.
“Gusto kong ipagpaalam sa City Assesor’s Office, ito kasi binigay nila ito as a birthday gift. Ibigay natin sa City Band doon sa training ng mga bata doon sa ating learning pod. Maraming matututong bata sa pagtugtug ng gitara at saka ito puwede nang pang-concert din ito dahil medyo magandang gitara ito,” pahayag ni Bayron.
Lubos din ang pasasalamat ng Alkalde sa City Assesor’s Office sa natanggap niyang regalo at ngayong umaga ay pormal niyang itinurnover ang gitara sa City Band.