Photo grabbed from Reddit
Ni Ferds Cuario
Inihain ni Senadora Risa Hontiveros ang Senate Resolution No. 509 na humihiling ng imbestigasyon sa mga polisiya ng Energy Regulatory Commission (ERC) kaugnay ng mga pinagtatalunang singil sa kuryente at umano’y mali-maling meter readings na nagdudulot ng labis na pasanin sa mga konsyumer.
Ayon kay Hontiveros, dumarami ang mga reklamo ng mga kabahayan hinggil sa biglaang paglobo ng kanilang electric bill na iniuugnay sa umano’y maling pagbabasa ng metro. Aniya, sa halip na maprotektahan ang mga konsyumer, may mga umiiral na polisiya ang ERC na tila nagpapahirap pa sa mga ito.
Layunin ng resolusyon na magsagawa ang Senado ng imbestigasyon, bilang bahagi ng paggawa ng batas, upang suriin kung kailangan nang amyendahan ang Republic Act No. 9136 o ang Electric Power Industry Reform Act of 2001 (EPIRA). Nais ding palakasin ang karapatan ng mga residential electricity consumers laban sa hindi makatarungang paniningil.
Binigyang-diin ni Hontiveros na mandato ng ERC ang pangalagaan ang kapakanan ng mga gumagamit ng kuryente. Gayunman, sinabi niyang kailangang repasuhin ang mga umiiral na patakaran upang matiyak na hindi ang mga ordinaryong mamamayan ang patuloy na nagdurusa sa mataas at kuwestiyonableng singil sa kuryente.
Sa oras na maisagawa ang inquiry, inaasahang tatalakayin ng Senado ang mga reklamong may kaugnayan sa maling billing, meter readings, at iba pang polisiya ng ERC na maaaring makaapekto sa milyun-milyong konsyumer sa bansa.