October 8, 2026
FB_IMG_1791453234674

Photo courtesy: Repetek

Ni Clea Faye G. Cahayag

Pinag-aaralan ng Puerto Princesa City Water District (PPCWD) ang posibilidad na magsagawa ng cloud seeding operation bilang alternatibong hakbang upang matugunan ang posibleng kakulangan ng suplay ng tubig sa lungsod ng Puerto Princesa dahil sa banta ng Super El Niño.

Ayon kay General Manager Walter Laurel, humingi ang Water District ng assistance sa Department of Agriculture–Bureau of Soils and Water Management (DA-BSWM) upang matukoy kung kinakailangan ang pagsasagawa ng cloud seeding operation.

Aniya base sa inisyal report na isinumite ng DA-BSWM, inaasahang makararanas ng dry spell ang lungsod at maaaring mauwi pa ito sa drought pagsapit ng unang quarter ng 2027.

“Hindi natin tinatanggal sa equation ‘yung cloud seeding operation.

Based doon sa report niya, kailangan na kailangan [ang cloud seeding operation] dahil doon sa mga climatic model na pinakita niya sa amin talagang magkakaroon tayo ng dry spell at mga first quarter ng next year baka drought pa,” ani Laurel.

Sinabi ng opisyal na kailangan itong maisagawa habang mayroon pang “seedable clouds”.

“So we have to be prepared. Ang cloud seeeding kasi hindi pwedeng gawin kapag summer na kasi wala ng seedable clouds, wala ka na ring makacloud seed,” dagdag pa niya.

Target ng PPCWD na maisagawa ang naturang operasyon sa buwan ng Nobyembre o Disyembre.

Naghahanap pa umano ng pondo para rito, tinatayang ₱3.7 milyon ang kinakailangang budget para sa isang buwang cloud seeding operation.

Sa ulat ni Laurel mas malaki na ngayon ang sakop ng kanilang target watershed kumpara sa mga naunang operasyon.

Aniya, Irawan lamang ang pangunahing watershed na may tinatayang 3,000 ektarya ngunit ngayon kasama na rin ang Montible na may lawak na 23,000 ektarya kaya mataas ang posibilidad na mapabagsak ang ulan sa mga target area.

Samantala, naging matagumpay ang dalawang naunang cloud seeding operations ng PPCWD.

Ipinaliwanag naman ni Chief Meteorological Officer Sonny Pajarilla ng Department of Science and Technology-Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (DOST-PAGASA) hindi lumilikha ng ulap ang cloud seeding, pinapataba lamang nito ang ulap upang madagdagan ang posibilidad na bumuhos ang ulan.

“Cloud seeding is pinapataba mo lang ang ulap, hindi ka gumagawa ng ulap. So while nandoon ang ulap gumagalaw yan eh, hindi yan steady,” ayon kay Pajarilla.

Dahil gumagalaw ang ulap habang pinapataba, hindi tiyak kung saan eksaktong babagsak ang ulan.

Maaari ring maging hamon ang kondisyon ng panahon sa Nobyembre dahil sa malalakas na hangin na maaaring magpabilis sa paggalaw ng mga ulap.

Binigyang-diin nito na mainam na subukan ang mga posibleng solusyon kaysa manatiling walang ginagawa.

Sinabi rin ng opisyal mahalagang magkaroon ng pagsusuri sa magiging epekto ng cloud seeding upang magkaroon ng batayan kung epektibo ito at kung dapat itong ipagpatuloy sa hinaharap.

“Atleast sinusubukan natin, ang ano lang dapat siguro pag-aralan na ‘yung ganito ba talaga may kaakibat na benepisyo na nagenerate para kung sakali in the future mayroon tayong justification na talagang nagwowork,” ayon pa kay Pajarilla.

Author

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *