Contract violation, madalas idulog sa OWWA
Photo Courtesy:
Repetek News
Ni Clea G. Cahayag
Nangunguna sa mga karaniwang problemang idinudulog ng mga Palawenyong Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Overseas Workers Welfare Administration o OWWA ang “contract violation” partikular na sa mga domestic worker.
Ayon kay OWWA Palawan Family Welfare Officer Adignita A. Elijan kabilang sa mga inirereklamo ang overwork, palipat-lipat ng employer, kawalan ng food provision, at pagkaantala sa sahod.
Sa ganitong sitwasyon, tumutulong ang OWWA sa mga OFWs na gustong umuwi sa bansa.
“Once ang family ni OFW ay nag-request na pauwiin, ayon sa OFW, kung ‘yan ay ginusto rin ng OFW na uuwi na sila dahil sa ganung problema, stress po sila, ‘yan po ay tutulungan natin through request for assistance. Ini-email na namin diretso sa embassy then pina-follow up po namin kumusta ang request namin regarding sa OFW,” pahayag ni Elijan.
Nilinaw naman ng opisyal na ang Department of Migrant Workers o DMW ang pangunahing ahensiya na nangangasiwa sa employment bago umalis sa bansa ang isang OFW.
Samantala, kapag nakalabas na ng bansa ang OFW at nasa overseas employment na, ang “welfare” nito ay kabilang na sa mandato ng OWWA.