August 16, 2026

Lumang granada, namataan sa likod ng isang bangko sa Puerto Princesa

0
FB_IMG_1786781858902

Ni Rodolfo Idusora

Lumabas ang isang lumang granada na aksidenteng nahukay ng isang construction worker sa likod ng ginagawang extension ng Security Bank sa Rizal Avenue, Puerto Princesa City, ngayong umaga Agosto 13.

Ayon sa mga construction worker, si Jojo Jupiter ang nakahukay sa hinihinalang pampasabog habang ginagawa ang bahagi ng proyekto.

Sinabi ni Jupiter na unang beses niyang nakatagpo at nakahukay ng ganitong uri ng bagay habang nagtatrabaho sa construction site.

Agad namang ipinaalam ng mga manggagawa ang nakita sa barangay at sa Philippine National Police (PNP) upang mapuntahan at ma-assess ang lugar.

Maingat ang pagkilos ng mga construction worker at iba pang nasa paligid matapos matuklasan ang granada. Hindi rin ito basta ginalaw habang hinihintay ang mga awtoridad na may sapat na kaalaman sa paghawak ng mga hinihinalang pampasabog.

Inaalam pa kung gaano na katagal nakabaon ang granada at kung paano ito napunta sa lugar.

Dahil dito, pinag-iingat ang mga construction worker habang nagpapatuloy ang paghuhukay sa construction site. Posible umanong may iba pang lumang bagay o pampasabog na nakabaon sa lugar, lalo na kung matagal nang hindi nahukay ang naturang bahagi.

Paalala naman ng mga awtoridad na huwag gagalawin o ililipat ang anumang kahina-hinalang bagay na posibleng pampasabog. Sa halip, dapat agad itong ireport sa barangay o pulisya upang masuri at mapangasiwaan nang maayos.

Patuloy ang koordinasyon ng mga kinauukulang awtoridad kaugnay ng natagpuang granada habang nagpapatuloy ang construction work sa lugar.

Samantala, inaasahang paiigtingin ang pag-iingat sa construction site upang maiwasan ang anumang insidente habang isinasagawa ang mga paghuhukay.

Author

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *