August 14, 2026
FB_IMG_1786713648450

Photo Courtesy: MENRO Roxas

Ni Samuel Macmac

Nasagip ng isang residente sa Roxas, Palawan, ang isang juvenile Crested Goshawk matapos maipit sa mga nakasalansang kahoy, bago tuluyang naibalik sa natural nitong tirahan.

Kilala ang juvenile Crested Goshawk o Accipter trivirgatus bilang “Sakbit”, na ligtas na naibalik sa kagubatan ng Barangay New Barbacan sa nasabing bayan.

Ayon sa kay Ginoong Ruben Remo Camilla, na siyang nakasagip sa ibon, nakita niya ang buhay-ilang habang sinusubukan nitong hulihin ang isang sisiw. Sa pagtatangkang iyon, naipit ang goshawk sa mga nakasalansang kahoy sa likod ng kanilang bahay.

Agad naman itong iniligtas at pansamantalang inalagaan bago ipinaalam sa Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) Roxas. Kaugnay nito, nagtungo ang Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) upang magsagawa ng assessment at rescue operation.

Sa pagsusuri ng Wildlife Traffic Monitoring Office, nakumpirmang ang Crested Goshawk ay kabilang sa mga species na nakalista sa Updated List of Threatened Terrestial and Marine Wildlife in Palawan at itinuturing na Critically Endangered batay sa PCSD Resolution No. 15-521, Series of 2015.

Samantala, walang nakita ang mga eksperto sa naturang hayop na tinamong pinasala at nasa maayos na kondisyon. May timbang ito na 300-500 gramo, may habang 30-35 sentimetro, at wingspan na 60-80 sentimetro. Agad din itong pinalaya sa natural na tirahan.

Author

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *