Photo courtesy: CIO Puerto Princesa City
Ni Ferds Cuario
Dalawang sanggol ang magkasunod na isinilang sa Puerto Princesa City Medical Complex Birthing Facility noong Hulyo 16, na nagmarka sa kauna-unahang pagkakataon na nagkaroon ng sabay na panganganak o “Double Delivery Room” sa naturang pasilidad.
Isinilang ang sanggol na lalaki na si “Baby J,” ng Brooke’s Point, habang sinundan ito ng isang sanggol na babae na si “Baby EM,” ng Roxas, Palawan.
Ayon sa City Medical Complex, kapwa naging normal at ligtas ang panganganak ng mga ina ng mga sanggol sa kabila ng sabay na panganganak.
Sa impormasyong mula sa City Information Office, sinabi ni City Birthing Facility Head Nurse Jasmin Rocamora na naging hamon ang sitwasyon dahil dalawa lamang ang naka-duty na midwives, ngunit naging maayos ang operasyon dahil sa mabilis na pagtutulungan ng incoming at outgoing healthcare personnel.
Dahil sa dalawang panibagong panganganak, umabot na sa 23 matagumpay na ligtas na panganganak ang naitala sa City Medical Complex Birthing Facility mula nang magbukas ito noong Mayo 28. Dalawa ang naitala noong Mayo, 11 noong Hunyo, at 10 hanggang Hulyo 16.
Bagama’t mula sa Brooke’s Point at Roxas ang dalawang ina, pinili nilang manganak sa Puerto Princesa dahil sa libre at dekalidad na serbisyong ibinibigay ng pamahalaang panlungsod.