Photo Courtesy: Magsaysay MPS
Ni Samuel Macmac
Nasakote ng pulisya sa nabanggit na bayan ang tatlong fishing vessel kabilang ang F/B DONIA-DONIA at dalawang lightboat nang mahuling gumagamit ng ipinagbabwal na superlight sa municipal water.
Sa patuloy na pinaiigting na kampanya ng Palawan Provincial Police Office (PalPPO), tatlong bangkang pangisda ang nahuli ng Municipal Police Station (MPS) sa isinagawang seaborne patrol operation sa karagatang sakop ng Barangay Cocoro, Magsaysay, Palawan noong Hulyo 17.
Sa pamumuno ni PCPT Eric G. Dalisay, nasabat ng mga tauhan ng Magsaysay MPS ang catcher vessel na F/B DONIA-DONIA kasama ang dalawang Vadio II lightboat na aktwal na gumagamit ng superlight sa kanilang pangingisda bandang alas-5:00 ng umaga.
Ayon sa pulisya, ang nasabing pamamaraan ay paglabag sa Municipal Ordinance No.085-2010 na nagbabawal sa paggamit ng superlight sa loob ng municipal waters.
Matapos ang inspeksyon, agad dinala ang mga bangka at tripulante sa Sitio Bantayan, Barangay Lucbuan para sa imbestigasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso. Napatunayan sa beripikasyon na ang mga sasakyang pangisda ay pag-aari ng DONIA-DONIA Fishing Corporation mula lungsod ng Iloilo.