Iligalista, arestado; buhay na wildlife, nasagip
Photo Courtesy: PalPPO
Ni Samuel Macmac
Tatlong dosenang buhay na hayop ang nasagip at apat na indibidwal ang nasakote ng Taytay Municipal Police Station (MPS) sa isinagawang operasyon laban sa iligal na bentahan ng wildlife.
Sa tala, umabot sa 33 buhay na wildlife specimens ang nakumpiska sa ikinasang anti-wildlife trade operation ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) katuwang ang iba’t ibang yunit ng pulisya at militar sa Sitio Ibangley, Brgy. Abungan.
Isang posuer-buyer ang nakabili ng buhay na pagong sa lungsod Puerto Princesa International Airport (PPIA), na naging daan upang matukoy ang iba pang hayop na ibinibenta.
Sa pagpapatuloy ng transaksyon, ipinakita ng suspek ang isang Palawan peacock-pheasant sa Taytay bandang alas-7:49 ng gabi. Agad na nagbigay ng senyas ang operating team at inaresto ang apat na sangkot.
Sa isinagawang paghalughog, natagpuan ang iba’t ibang wildlife kabilang ang isang Palawan stink badger, walong-blue naped parrots, dalawampung (20) buhay na pagong, dalawang (2) otter, isang adult lizard, at ang peacock-pheasant. Narekober din ang P16,000 marked money, ilang cellphone at isang pulang Suzuki Celerio.
Dinala ang mga nasagip na hayop sa PCSDS para sa tamang pangangalaga habang inihahanda ang kasong paglabag sa Republic Act 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act laban sa mga suspek.