Ni Albert Villamor Jr.
Pinapayuhan ng Puerto Princesa City Water District (PPCWD) ang mga konsumidores nito na mag-imbak na ng tubig dahil posibleng maapektuhan ni Bagyong “Inday” ang operasyon nito.
“Bagama[n] hindi inaasahang magla-landfall sa kalupaan ng Pilipinas ang Super Typhoon Inday, maaari pa rin nitong palakasin ang habagat, na posibleng magdulot ng malalakas na pag-ulan at malalakas na hangin sa iba’t ibang bahagi ng bansa,” ayon sa typhoon advisory na inilabas ng PPCWD ngayong araw, Hunyo 9.
“Dahil dito, posibleng maapektuhan ang operasyon ng Puerto Princesa City Water District (PPCWD) kung sakaling bumaha sa ating mga surface water sources, na maaaring magresulta sa pagdumi ng pinagkukunan ng tubig. Maaari ring maantala ang normal na operasyon ng ating water supply system kung magkakaroon ng pinsala sa mga pasilidad at kagamitang ginagamit sa paghahatid ng serbisyo,” dagdag pa nito.
Nagbigay rin ng karagdagang abiso ang PPCWD sa publiko sa paggamit ng tubig sa kasagsagan at pagkatapos ng Bagyong Inday.
Una, gumamit ng tubig nang matipid upang mas tumagal ang reserba. Siguraduhing nakasara ang mga gripo kung walang suplay upang maiwasan ang pag-aaksaya ng tubig kapag bumalik na ang serbisyo.
Pangalawa, kung mapansing malabo o madumi ang tubig pagkatapos ng bagyo, huwag muna itong gamitin, hintaying luminaw ito.
Pangatlo, ang pagbaha o mataas na turbidity sa pinagkukunan ng tubig ang dahilan ng paglabo ng suplay.
“Sa kasalukuyan, naghahanda na ang PPCWD para sa posibleng epekto ng bagyo sa lungsod. Bilang pag-iingat, hinihikayat ang publiko sa buong Puerto Princesa, kabilang ang mga rural at urban barangay, na mag-ipon at mag-imbak ng sapat na suplay ng tubig upang may magamit sakaling magkaroon ng pagkaantala sa serbisyo,” ayon din sa PPCWD.
Dapat daw ay mag-imbak na ng tubig na kayang magtagal ng dalawa hanggang tatlong araw ang mga konsumidores ng PPCWD.