Kaligtasan ng mga estudyante
Ni Albert Villamor Jr.
Sinisigurado ang seguridad ng Palawan National School (PNS), ng mga pulis ng Police Station 1- Puerto Princesa City Police Office (PPCPO), Setyembre 16.
Nakarating daw sa kanilang opisina ang isang social media post na may dalawa diumanong indibidwal na nais pasukin ang PNS na may dalang mga armas. Hindi binabalewala ng kapulisan ang impormasyon na ito.
“Agad na ipinag-utos ang pagsasagawa ng kauukulang beripikasyon at imbestigasyon upang matukoy ang pinagmulan, kredibilidad, at iba pang mahalagang detalye kaugnay ng nasabing mensahe,” ayon sa kanilang pahayag.
Sa ngayon na habang biniberipika pa ang katotohanan ng impormasyon ng kinauukulan, pinaiigting na ng mga pulis ang seguridad ng PNS.
“Maspapaigtingin ang police presence at security monitoring sa loob at paligid ng paaralan, alinsunod sa napagkasunduang security arrangements, upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, kawani, at iba pang stakeholders,” ayon sa mga mga pulis.
Sinasabihan din ng mga pulis na maging maingat ang publiko sa pag-share ng mga post sa social media na maaring hindi totoo.
“Ang walang-ingat na pagpapakalat ng naturang impormasyon ay maaring magdulot ng hindi kinakailangang takot, pangamba, at kalituhan sa mga mag-aaral, magulang, guro, at buong komunidad,” sabi ng mga pulis.
Pero kung may mga sitwasyon na banta sa seguridad, kailangan itong iulat sa kapulisan.
“Gayunpaman, hinihikayat ng PNP ang lahat na manatiling mahinahon, mapagmatyag, at responsable. Anumang kahina-hinalang kilos, indibidwal, bagay, o sitwasyon na maaring mag kaugnayan sa seguridad ng paaralan ay dapat agad na ireport sa pinakamalapit na police station, school authorities, o sa pamamagitan ng mga opisyal na emergency hotlines,” ayon sa mga pulis.
“Sa pamamagitan ng pagtutulungan, maagap na pag-uulat, at responsableng paggamit ng social media, makatutulong tayo upang mapanatiling ligtas ang ating mga mag-aaral, guro, at buong komunidad,” dagdag pa nito.
Nakikipag-ugnayan din ang mga pulis sa mga pamunuan ng PNS at mga stakeholders nito na paigtingin ang seguridad sa paaralan.