Photo courtesy: Pikbest
Ni Rodolfo Idusora
Pansamantalang sinuspinde ng Philippine Coast Guard District Palawan (CGDPAL) ang paglalayag ng ilang sasakyang pandagat sa iba’t ibang bahagi ng Palawan dahil sa hindi magandang lagay ng panahon ngayong araw, Lunes, Hulyo 13.
Ayon sa ahensiya, layunin nito na matiyak ang kaligtasan ng mga biyahero.
Ipinag-uutos ang pansamantalang suspensyon ng lahat ng biyahe ng mga sasakyang pandagat na may 15 gross tons (GT) sa mga bayan ng Roxas, Araceli, at Dumaran. Kasama rin sa suspensyon ang Bataraza, Brooke’s Point, at Sofronio Española.
Sinuspinde rin ang paglalayag ng mga sasakyang pandagat na may 3 gross tons (GT) sa bayan ng Taytay at El Nido. Bawal din ang sea travel sa Puerto Princesa City, Narra, at Aborlan, gayundin ang Rizal, Palawan.
Sa kabilang banda, inalis na ng Coast Guard ang sea travel suspension sa ilang lugar dahil sa maaliwalas na kondisyon ng karagatan. Ilan sa pinayagan ang Cuyo, Coron, Busuanga, at Balabac.
Pinayuhan naman ng Philippine Coast Guard ang publiko, lalo na ang mga mangingisda, operator ng bangka, at mga pasahero, na mag-ingat at sumunod sa mga ipinatutupad na abiso. Hinihikayat din ang lahat na regular na subaybayan ang mga susunod na advisory mula sa Coast Guard at sa mga lokal na awtoridad bago bumiyahe sa dagat.
Mananatiling ipinatutupad ang mga suspensyon hanggang sa ideklarang ligtas na muli ang kondisyon ng karagatan para sa paglalayag ng mga sasakyang pandagat.