Ni Albert Villamor Jr.
Nais ni Board Member Ryan Maminta na amyendahin na ang Local Government Code o Republic Act No. 7160, Hulyo 21.
Hinihingi niya ang tulong ng Department of Interior and Local Government (DILG) para sa naturang amyenda o pagbabago.
Ang Local Government Code (LGC) o Republic Act No. 7160, ay ang panuntunan o batas na nagtatakda ng “autonomy” o pansariling kakayahan sa mga lokal na pamahalaan sa paggamit ng kapangyarihan ng gobyerno ng Pilipinas sa pagbibigay ng serbisyo. Isinabatas ito noong 1991.
Pero ayon kay Maminta, luma na o “outdated” ang LGC kaya kinakailangan na itong baguhin lalo na sa aspekto ng “revenue-raising power” ng pamahalaan.
Ang revenue-raising power ay isang kapangyarihan na mangolekta ng pera mula sa tax, fees, at charges, para makapagbigay ng serbisyo-publiko ang gobyerno.
“Sana malakaran at magawan ng mga pagkilos ang napipinto at napapanahong amyenda sa Local Government Code dahil unang-una, ang Local Government Code of 1991 o iyong Republic Act No. 7160, sa akin pong palagay, at alam ko may desisyon na rin ang Department of Interior and Local Government (DILG) kasama iyong mga policy-makers natin katulad ng mga Kongresista at mga Senador, ay isa ng outdated na kodigo ng pamamahalang lokal,” paliwanag ni Board Member Maminta.
“Sana sa pamamagitan ng DILG, ay maiparating po ang saloobing ito na panahon na para kilusan natin nang pag-amyenda sa Local Government Code na ito, dahil iyong mga datos na pinagbasehan ng Local Government Code lalo’t higit doon sa revenue-raising power ng mga lokal na pamahalaan, ay outdated na po; mayroon na tayong mga hindi nasasakop doon at marami na tayong hindi nakukuha sa pamamagitan po ng probisyon ng Local Government Code,” dagdag pa niya.
Ang Pamahalaang Panlalawigan daw ay mahina o talagang walang revenue-raising power.
“Ang Pamahalaang Panlalawigan po, halimbawa, napakahina ng revenue-raising power namin. Wala talaga kaming revenue-raising power, samantalang ginagawa din namin lahat ang paraan at mga kauukulang hakbangin sa pamamahala para mapabuti iyong kalagayan ng mga businesses sa buong lalawigan. Tinutulungan namin ang mga munisipyo. Tinutulungan ang mga barangay,” sabi ni Maminta.
“May mga pagkakataon pa nga na tinutulungan ng pamahalaang panlalawigan ang mga munisipyo para maging siyudad. Pagkatapos maging siyudad, ay maiiwanan na iyong pamahalaang panlalawigan, ay baka pwedeng pag-aralan natin ng husto ito. Bigyan ng pagkakataon na, sa pamamagitan po ninyo [DILG], ay umusad po ang hakbang na kung saan ay magkaroon ng amyenda sa Local Government Code,” dagdag pa niya.