Naaagnas nang matagpuan sa palikuran
Photo courtesy: Repetek Babala: Maselan ang paksa at larawan. Maging disente sa pagkomento.
Ni Rodolfo Idusora
Natagpuang nasa decomposition stage na ang bangkay ng isang 54-anyos na lalaki sa loob mismo ng kaniyang tahanan sa Zone 14, Barangay Irawan, Puerto Princesa City.
Kinilala ang biktima na si Florentino Umayam Jr., residente ng nasabing lugar.
Eksklusibong nakapasok kamakailan ang
Repetek News
sa bahay kasama ang mga kawani ng Health Emergency Health Response Operation (HERO), mga tauhan ng Police Station 2, mga tanod, at mga opisyal ng Barangay Irawan.Tumambad sa mga awtoridad ang bangkay ni Umayam na natagpuan sa loob ng kanyang palikuran. Nakadapa ang biktima at pinaniniwalaang maaaring inatake ng kanyang karamdaman.
Batay sa pahayag ng isang kapitbahay na huling naka-text ng biktima, tinatayang nasa apat na araw nang patay si Umayam bago natagpuan.
Ayon naman sa boarder ng biktima, napansin nila ang masangsang na amoy na nagmumula sa loob ng bahay. Kapansin-pansin din ang pagdami ng mga langaw sa labas ng bintana.
Dahil dito, humingi sila ng tulong sa mga awtoridad upang maimbestigahan ang kalagayan ng biktima.
Mag-isa lamang umano si Umayam sa kanyang tahanan. Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente upang matukoy ang tunay na sanhi ng kanyang pagkamatay at malaman kung may foul play.
Samantala, nagpasya ang mga kaanak ng biktima na ipa-cremate na lamang ang kanyang mga labi dahil sa kalagayan ng bangkay at hindi na umano ito maaaring isailalim sa karaniwang proseso ng pag-embalsamo.