Isyung pampolisiyang enerhiya sa Pilipinas, tinalakay
Ni Albert Villamor Jr.
Sa Kongreso noong Agosto 11, tinalakay na ng House Committee on Energy (HCE) sa pangunguna ni Cong. Jose Chaves Alvarez ang mga isyung pang-enerhiya sa Pilipinas para sa mas mura, sigurado, at mapagkakatiwalaang enerhiya.
Tinalakay ng komite ang mga usaping napapanahon sa renewable energy, petroleum security, at downstream oil industry o ang industriya na nagpoproseso ng langis at iba pang produktong petrolyo para magamit sa komersiyo.
Kasama rin sa tinalakay ng HCE ang pag-amyenda sa Renewable Energy Act at ang pagkakaroon ng Philippine Strategic Petroleum Reserve para protektahan ang ekonomiya ng Pilipinas mula sa global oil supply stocks, pagtaas ng presyo, at epekto ng sigalot sa iba’t ibang bahagi ng mundo o geopolitical conflicts.
Pasok din sa kanilang talakayan ang pag-amyenda ng “Downstream Oil Industry Deregulation Act” sa pamamagitan ng isang substitute bill; at ang “Sariling Kuryente Act” na isinumete nina House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos of Ilocos Norte at Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III, na naglalayong padaliin ang pagsasakatuparan ng paglalagay ng mga solar panels at battery ng mga pamilya at negosyo.