Photo courtesy: ACTF
Ni Rodolfo Idusora
BABALA: Sensitibo ang paksa. Naglalaman ng karahasan. Maging disente sa pagkomento.
Isinugod sa Ospital ng Palawan nitong madaling araw ng Linggo, Hulyo 12, ang 34-anyos na lalaking Tattoo Artist nang umano’y saksakin sa kaniyang likuran.
Naganap ang insidente nang tangkain nitong awatin ang nagaganap na gulo sa loob ng isang painuman sa Junction 1, Barangay San Miguel.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Anti-Crime Task Force. Hinahabol nila ang suspek sa pananaksak.
Kinilala ang suspek na si alyas “Dariel”, 20-anyos, residente ng Barangay Canipaan, Rizal, Palawan. Ang biktima naman ay si alyas “Adrian”, residente ng Barangay San Miguel.
Sinundan ng mga rumespondeng tauhan ang tumakas na suspek hanggang makorner siya sa loob ng bakuran ng isang bangko sa Rizal Avenue. Narekober sa suspek ang isang kutsilyo na hinihinalang ginamit sa pananaksak.
Dinala ang suspek sa Police Station 1 kasama ang kanyang kasamahan para sa tamang imbestigasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso.
Sumailalim naman ang biktima sa kaukulang pagsusuri at gamutan. Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang motibo ng insidente at ang buong pangyayari.