Photo:
Repetek News
Ni Rodolfo Idusora
Tuloy na ang pagbibigay ng ₱3,000 cash assistance sa bawat kwalipikadong estudyante sa mga pampublikonr paaralan sa Lungsod ng Puerto Princesa sa sandaling maaprubahan ang inamyendahang kaukulang ordinansa, ayon kay Konsehal Victor Oliveros.
Sinabi ni Oliveros na napagkasunduan ang pagbibigay ng cash assistance matapos ang isinagawang konsultasyon sa mga magulang at mga kawani ng pamahalaang panlungsod. Lumabas sa konsultasyon na mas nais ang direktang ayuda kaysa pamamahagi ng school uniforms at school supplies para sa mga mag-aaral ng Kinder hanggang Senior High School o K-12.
Ayon sa konsehal, maraming magulang ang nagsabing nakabili na sila ng mga school supplies at nakapagpagawa na rin ng uniporme bago magsimula ang klase. Dahil dito, mas makatutulong umano kung cash assistance ang ibibigay upang magamit sa iba pang pangangailangan ng kanilang mga anak sa pag-aaral.
Ipinaliwanag din ni Oliveros na hindi lamang ngayong school year ipatutupad ang programa. Aniya, magpapatuloy ang pagbibigay ng ₱3,000 cash assistance sa mga susunod na taon hanggng nananatiling umiiral ang ordinansa at may pondong inilaan para rito.
Samantala, ang Office of the City Mayor ang maghahanda ng sistema ng distribusyon ng ayuda alinsunod sa umiiral na mga batas at regulasyon. Kabilang sa mga pinag-aaralang paraan ang paggamit ng GCash, Palawan Pawnshop, o iba pang pamamaraan upang maging mas mabilis at mas maginhawa ang pagtanggap ng ayuda ng mga benepisyaryo.
Sa oras na maaprubahan ang inamyendahang ordinansa, ilalabas ng pamahalaang panlungsod ang mga detalye tungkol sa implementasyon ng programa, kabilang ang mga kwalipikadong benepisyaryo, mga kinakailangang dokumento, at iskedyul ng pamamahagi ng cash assistance.