Photo courtesy: Facebook page ni 3rd District Rep. Gil Acosta Jr.
Ni Joana Pacquing
PERSONAL na binisita ni Palawan 3rd District Representative Gil “Kabarangay” Acosta Jr., ang ilog sa Barangay Inagawan sa Lungsod ng Puerto Princesa, upang makita ang kalagayan ng mga residente, partikular ang mga mag-aaral na araw-araw na tumatawid sa ilog sa kanilang pagpasok at pag-uwi mula sa paaralan.
Ibinahagi ng mga residente ang kanilang matagal nang kahilingan na magkaroon ng isang hanging bridge upang maging mas ligtas ang pagtawid, lalo na kapag mataas ang lebel ng tubig at malakas ang agos ng ilog.
Ayon sa mga residente, malaking tulong ang naturang tulay upang mabawasan ang panganib na kinakaharap ng mga estudyante at iba pang mamamayan na gumagamit ng ilog bilang daanan.

Hiniling din nila ang tulong ng pamahalaan para sa pagkakaloob ng mga kinakailangang materyales upang maisakatuparan ang proyekto.
Umaasa ang mga residente na mabibigyan ng kaukulang pansin ang kanilang kahilingan upang matiyak ang kaligtasan ng mga tumatawid sa ilog, lalo na sa panahon ng tag-ulan kung kailan tumataas ang tubig at lumalakas ang agos.