P9, 500 scholarship cash grants sa ilang kabataang katutubo sa Puerto Princesa
Photo Courtesy:
Repetek News
Ni Ferds Cuario
Ilang kabataang katutubo na nag-aaral sa kolehiyo sa lungsod ang unang batch na napagkalooban ng educational assistance ng Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa.
Sa ilalim ng Program for Indigenous People (IP), tumanggap ang mga benepisyaryo ng kabuuang ₱9,500 educational assistance na nakalaan para sa stipend, pambili ng libro at uniform, at transportation allowance.
Ayon kay Program Manager Carlos Bonales, layunin ng programa na matulungan ang mga kabataang katutubo na maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral at magkaroon ng mas malaking pagkakataong makatapos ng kolehiyo.
Hindi lamang pinansiyal na suporta ang nais ibigay ng programa, kundi pagkilala rin sa kultura, tradisyon, paniniwala at mga mithiin ng Indigenous Peoples.
Bahagi ito ng programa ng administrasyon ni Mayor Lucilo R. Bayron na isulong ang mas responsive at inclusive na pamamahala, partikular sa pagbibigay ng oportunidad sa mga sektor na nangangailangan ng karagdagang suporta.
Sa pamamagitan ng scholarship program, nais ng lungsod na mas mapalawak ang access ng mga kabataang IP sa edukasyon at matulungan silang makamit ang kanilang mga pangarap.
Kabilang sa mga benepisyaryo si Elaiza Cezar, isang Tagbanua student ng Palawan State University–San Rafael, na nagpahayag ng pasasalamat sa tulong na kanyang natanggap.
“Sobrang thank you po kasi po malaking tulong po ito para sa aking mga pangangailangan sa pag-aaral,” ani Cezar.
Inaasahang makatutulong ang naturang programa upang mabawasan ang gastusing kinakaharap ng mga estudyanteng katutubo at mapalakas ang kanilang pagkakataong makapagtapos ng kolehiyo at magkaroon ng mas magandang oportunidad sa hinaharap.