Pagpalit ng City Director, walang kinalaman sa Police op vs illegal cooking oil
Ni Rodolfo Idusora
Nilinaw ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) na ang kamakailang pagbabago sa pamunuan nito ay bahagi ng pormal na organizational transition ng Philippine National Police (PNP) at Police Regional Office MIMAROPA.
Nitong Agosto 28, taong kasalukuyan, isinagawa ng city police office ang change of command mula kay outgoing Officer-in-Charge, Police Corporal David A. Toctocan Jr., na papalitan naman ni Police Corporal Vincent C. Templo, na magsisilbing bagong City Director ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO).
Nilinaw rin ng city police office na walang kaugnayan ang pagbabago ng pamumuno nang kumalat sa social media ang mga pahayag na nag-uugnay sa isinagawang enforcement operation sa Barangay Bacungan.
Matatandaang nasamsam ng mga awtoridad ang tinatayang ₱6.19 milyong halaga ng mga umano’y unauthorized cooking oil products at mga sasakyan.
Ayon sa kapulisan, walang opisyal na impormasyon o itinatag na batayan upang sabihing ang pagbabago ng liderato ay resulta ng naturang operasyon. Iginiit ng tanggapan na magkahiwalay na usapin ang leadership transition at ang pagsasagawa ng mga police operation.
Ang mga police operation ay isinasagawa alinsunod sa mga umiiral na proseso, habang ang pagbabago ng pamunuan ay nakabatay sa opisyal na mga kautusan ng PNP at PRO MIMAROPA. Patuloy naman ang imbestigasyon, dokumentasyon at iba pang legal na proseso kaugnay sa enforcement operation, batay sa mga nakalap na impormasyon at ebidensya.
Hinimok ng PPCPO ang publiko na maging maingat sa pagbabahagi ng impormasyon at iwasang agad maniwala sa mga haka-haka na kumakalat online.
Binigyang-diin ng tanggapan na dapat gamitin bilang batayan ang beripikadong impormasyon, opisyal na rekord at pahayag ng mga awtorisadong opisyal.
Sinabi rin ng city police office na magpapatuloy ito sa pagpapanatili ng peace and order, pagpapatupad ng batas, pag-iwas at pagsugpo sa krimen, at pagbibigay ng serbisyo sa mga residente ng Puerto Princesa City.
Tiniyak naman ng tanggapan na mananatili itong nakatuon sa transparency, accountability, professionalism at maayos na serbisyo publiko.