Pagpapatupad ng batas-trapiko, patas sa lahat ng uri ng sasakyan
Photo Courtesy: Repetek
Ni Clea Faye Cahayag
Dumipensa ang Land Transportation Office (LTO) Palawan sa paratang na mga motorsiklo lamang ang kanilang madalas na pinapara at hinuhuli tuwing may operasyon sa kalsada.
Ayon kay Law Enforcer Albert Acosta ng LTO Palawan, mas marami pa umano silang nasisita at napaparang mga four-wheel vehicles kumpara sa mga motorsiklo at truck.
“Gusto ko lang i-disagree na motor lang (ang aming hinuhuli) dahil nanghuhuli rin po ako.
Ako nga mas pinapara ko ang mga four-wheels dahil gusto kong matsek ang kanilang rehistro,” ani Acosta.
Iginiit niya patas ang pagpapatupad ng batas-trapiko sa lahat ng uri ng sasakyan.
“Wala pong sinisino ang law enforcement pagdating sa kalsada. Kung gusto nila panoorin nila ang pag-conduct ng panghuhuli ng LTO para mapatunayan talaga nila or makita nila mismo na hindi lang kami sa motor nakapokus kundi lahat po ay tsinitsek para kung anuman angmagiging treatment doon sa mga motor ay ganun din po sa four-wheels,” ani Acosta.
Dagdag pa niya, kahit mga government-owned vehicle ay walang lusot upang matiyak ang patas na pagpapatupad ng batas.
Ipinaliwanag din ni Acosta, mahigpit nilang ipinapatupad ang polisiyang “No Registration, No Travel” upang matiyak na ang mga sasakyang bumibiyahe sa kalsada ay rehistrado at ang mga driver ay may updated na lisensya kaya kabilang sa kanilang tsinitsek ang rehistro ng sasakyan at validity ng lisensya ng mga driver.
Aminado naman ang tanggapan na limitado lamang ang kanilang personnel kaya malaking tulong ang mga deputized officer kabilang ang Highway Patrol Group (HPG).
“Malaking tulong sa amin ang mga deputized officers katulad ng HPG dahil minsan pumupunta sila sa mga munisipyo para magsagawa ng apprehension o operation para doon sa mga hindi napupuntahan ng LTO,” pahayag pa ni Acosta.
Ang LTO ay may mga extension office din sa bayan ng Brooke’s Point, Roxas, Narra, Coron at Robinsons Place Palawan habang pinag-aaralan pa ang iba pang mga hakbang upang mas mailapit ang serbisyo ng pamahalaan sa mga Palawenyo.