Photo courtesy : DENR-MIMAROPA
Ni Samuel Macmac
Nabahala ang mga park ranger sa Apo Reef Natural Park matapos makita ang mga nakalutang na sako na may lamang gamit na pinaghihinalaang pampasabog sa dagat ng Sablayan, Occidental Mindoro.
Habang nagbabantay sa Bahura 7, nakakita ang mga park ranger ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) MIMAROPA ng mga nakalutang na sako. Nang kanilang buksan, nakita ang ammonium nitrate, copper wires, at blasting caps na maaaring gamitin sa paggawa ng bomba.
Agad naman itong naidokumento at nai-turnover sa mga awtoridad para sa imbestigasyon. Pinangunahan naman ni Park Ranger Efraim Z. Pagador ang Task Force Marine and Apo Reef Law Enforcement for Nature (TF MARLEN) na mabilis na umaksyon upang matiyak ang kaligtasan ng lugar.
Ayon kay OIC-Protected Area Superintendent Anna Ritchell D. Nicanor, napigilan ang posibleng pinsala sa coral reef, yamang-dagat, at mga kalapit na komunidad sa pamamagitan ng mabilis na aksyon.
Matapos ang insidente, nakipag-ugnayan ang Protected Area Management Office sa Philippine National Police-Special Weapons and Tactics (PNP-SWAT), Philippine Coast Guard (PCG), Sablayan Municipal Police Station (MPS), at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para sa tamang paghawak ng mga nakuhang gamit.
Kasunod nito, nagsagawa ang PNP-SWAT ng pagsasanay para sa mga park ranger kung paano makilala ang mga gamit na puwedeng gawing bomba, paano umiwas, at ang tamang hakbang kapag may nakita o narekober na kahalintulad na bagay.
Samantala, isang protektadong lugar sa Sablayan, Occidental Mindoro ang Apo Reef Natural Park. Kilala ito bilang pinakamalaking atol-like reef system sa Pilipinas, kung saan naninirahan dito ang daan-daang uri ng isda, korales, seabirds, at endangered species gaya ng pawikan na green at hawksbill turtles.