PCG Regional Training Center sa Palawan, prayoridad ang mga Palawenyo
Photo Courtesy:
Repetek News
Ni Clea Faye G. Cahayag
Pansamantalang inilipat ng Coast Guard District Palawan (CGDPAL) ang kanilang Regional Training Center (RTC) sa Barangay Punta Baja, Rizal, Palawan.
Sa panayam ng lokal midya, sinabi ni COMMO Jane J. Gesulgon, CGDPAL Acting Commander prayoridad ang mga aplikanteng residente ng Palawan ngunit maaari ring dagdagan ng mga recruit mula sa ibang distrito kapag hindi napupuno ang itinakdang bilang.
Aniya, ginagawa ito upang ma-maximize ang kapasidad ng mga training center.
“Dito po sa Palawan, priority is ‘yung ang taga[r]ito. Kapag kinulang po doon sa number, dinadagdagan po ng recruits from other district. Same with sa kanila [r]in po kasi mina-maximize po natin ‘yung number,” ani Gesulgon.
Ayon pa sa opisyal, may mga pagkakataon din na ang mga aplikanteng taga-Palawan ay ipinapadala sa ibang training center kapag ginagamit ang nabanggit na pasilidad.
“Minsan po kahit taga[r]ito kung may gumagamit sa training center natin ipapadala po sila [r]oon sa ibang Regional Training Center kung saan po available, depende sa schedule, ‘yun po ang nangyayari,” dagdag pa nito.
Layunin ng pagtatayo ng mga training center na mailapit ang proseso ng recruitment at training sa mga aplikante.
Sa Palawan, maaari nang isagawa ang ilang mahahalagang proseso tulad ng medical examination at physical assessment nang hindi na kinakailangang pumunta sa kamaynilaan.