August 21, 2026
FB_IMG_1785670467734

Photo Courtesy: PCO

Ni Clea G. Cahayag

Personal na dumalo si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa pagpapasinaya ng Ibato-Iraan Small Reservoir Irrigation Project (SRIP) sa bayan ng Aborlan, Palawan noong ika-23 ng Hulyo, taong kasalukuyan.

Ayon sa Pangulo, ang Ibato-Iraan SRIP ang pinakamalaking Irrigation Project sa lalawigan at ang kauna-unahang Reservoir Type Irrigation System sa buong isla.

Ito ay isang pangunahing proyekto ng pambansang pamahalaan na magbibigay ng maaasahan at tuluy-tuloy na suplay ng tubig sa 1,072 ektarya ng sakahan sa Aborlan.

Layunin nito na pataasin ang ani, magkaroon ng maayos na pamamahala sa tubig baha at direktang makinabang ang 425 magsasaka.

“Isa itong proyekto na matagal ninyong hinintay at bunga ng ating pagtutulungan. Sa pamamagitan nito magkakaroon ng sapat at maaasahang suplay ng tubig sa buong taon para sa higit isanlibong ektaryang lupang sakahan dito sa Aborlan.

Inaasahan natin ang mas maraming sako ng bigas, mas masaganang ani sa gulay, [at] mas malaking kita para sa ating mga magsasaka,” ani PBBM.

Binigyang-diin napakahalaga ng mga proyektong irigasyon dahil sa nararanasang climate change at El Nino dahil kapag kulang ang tubig, apektado ang ani pati na rin ang pagkain.

“Sa panahon ngayon lalo na sa gitna ng tagtuyo’t o El Nino hindi na p’wedeng umasa lang tayo sa pagdating ng ulan dahil nagbabago pati ang panahon.

Kaya naman mahalaga na maihatid ang tubig sa mga bukirin upang patatagin ang kabuhayan ng ating mga magsasaka. ‘Yan ang layunin ng proyektong ito,” dagdag pa ng Pangulo.

Layunin din nitong gawing mas panatag ang loob ng mga magsasaka sa panahon ng pagtatanim tag-ulan man o tagtuyo’t.

Ayon pa kay PBBM, alinsabay ng pagpapalawak ng mga irrigation project sa bansa, ginawa ring moderno ang sistema ng pagsasaka sa Palawan sa pamamagitan ng pagpapatayo ng mga solar powered pumps. Hindi na aalalahanin ng mga magsasaka kung saan kukuha ng krudo dahil sa sinag ng araw na kinukuha ang kuryente sa operasyon ng mga ito.

Kaugnay nito, inaasahan ng Pangulo ang pagtutulungan ng National Irrigation Administration (NIA) at Irrigators’ Association sa pangangalaga at pagpapaunlad ng proyekto.

Lubos naman ang pasasalamat ni Aborlan Mayor Lito Tito sa proyekto dahil bukod sa pagpapalakas ng agrikultura, makatutulong rin ito sa promosyon ng turismo sa kanilang bayan.

Author

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *