Red tide sa Puerto Bay, Honda Bay
Photo Courtesy:
Repetek News
Ni Ferds Cuario
Positibong mayroong paralytic shellfish poisoning (PSP) toxins mula sa mga sample na nakuha sa mga nabanggit na lugar, ayon sa babala ang City Agriculture Office (CAO).
Nakumpirma ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na mapanganib ang mga nakitang toxins sa mga shellfish na nakolekta sa iba’t ibang monitoring stations sa Puerto Princesa Bay at Honda Bay.
Lumampas sa itinakdang ligtas na antas na 60 micrograms STX equivalent kada 100 gramo ng shell meat ang toxin level ng mga sinuring shellfish sa lugar, batay sa local shellfish advisory bilang 3-2026 na inilabas ngayong araw, Miyerkules, Agosto 5.
Mahigpit na pinapayuhan ang publiko na itigil muna ang pangunguha, pangongolekta, pagbibiyahe, pagbebenta, at pagkain ng lahat ng shellfish at alamang (Acetes sp.) na nagmula sa mga baybaying sakop ng Puerto Princesa Bay at Honda Bay habang hinihintay ang opisyal na shellfish ban advisory mula sa BFAR.
Kinabibilangan ng barangays ng Bancao-Bancao, Bagong Sikat, Bagong Silang, Pagkakaisa, Mabuhay, Liwanag, Bagong Pag-asa, San Isidro, Matahimik, Mandaragat, San Pedro (West Coast), Tiniguiban, Sta. Monica, Sicsican, Irawan, Iwahig, Sta. Lucia, Luzviminda at Mangingisda ang mga apektadong lugar sa Puerto Bay. Habang kabilang din ang barangays ng San Miguel, San Pedro (East Coast), San Manuel, San Jose, Tagburos, Sta. Lourdes, Bacungan (East Coast), Sta. Cruz, Salvacion, Manalo, Maruyugon, Lucbuan, Babuyan, San Rafael, Tanabag, Concepcion, Binduyan at Langogan.
Nagbabala rin ang City Agriculture Office na ang mga nagdadala at nagbebenta ng shellfish at alamang na nagmula sa mga lugar na hindi sakop ng advisory ay kinakailangang magpakita ng Certificate of Origin na inisyu ng barangay o Municipal Agriculture Office kung saan inani ang mga ito.
Nilinaw naman ng CAO na ligtas pa ring kainin ang isda, pusit, hipon, alimango at iba pang lamang-dagat mula sa mga apektadong lugar, basta’t sariwa, malinis, maayos ang pagkakahanda, at inaalis ang hasang, bituka at iba pang lamang-loob bago lutuin bilang dagdag na pag-iingat.
Hinimok ng City Agriculture Office ang publiko na mahigpit na sundin ang advisory upang maiwasan ang panganib ng pagkalason at mapangalagaan ang kalusugan ng bawat Palaweño.