Photo Courtesy: DSWD MIMAROPA
Ni Samuel Macmac
Halos 15,000 katao ang naapektuhan ng Bagyong Inday at pinalakas na Habagat sa MIMAROPA kaya’t patuloy ang paghahatid ng Department of Social Welfare and Development para sa mga nasalanta.
Kasalukuyang nakaalerto ang DSWD MIMAROPA sa epekto ng masamang panahon sa mga probinsya ng Marinduque, Occidental Mindoro, at Palawan. Batay sa ulat na inilabas ng ahensya kaninang umaga, Hulyo 13, umabot na sa 3, 866 pamilya o 14, 783 indibidwal mula sa 57 barangay ang kasalukuyang naitalang naapektuhan ng Bagyong Inday at pinalakas na Habagat.
Nagsasagawa ng assessment at validation ang mga tauhan ng DSWD upang tiyakin na natutugunan ang pangangailangan ng bawat pamilyang apektado. Kasabay nito, tiniyak ng ahensya na may sapat na standby funds, food packs, non-food items, at relief resources para sa tuluy-tuloy na operasyon.
Katuwang ang mga lokal na pamahalaan, mas napapabilis ang pamamahagi ng tulong para sa mga nangangailangan. Patuloy naman nakaalerto ang ahensya upang masiguro na ang bawat komunidad sa rehiyon ay may agarang suporta na matatanggap sa gitna ng kalamidad.