P45.M halaga ng droga at smuggled goods, nasabat
Photo Courtesy: PRO MIMAROPA
Ni Samuel Macmac
Milyon-milyong halaga ng ilegal na droga ang nasabat habang matagumpay na naaresto ang 697 wanted persons sa patuloy na pinaiigting na malawakang kampanya ng Police Regional Office (PRO) MIMAROPA kontra kriminalidad at ilegal na droga sa rehiyon.
Sa kampanya kontra kriminalidad, umabot sa 204 Most Wanted Persons at 493 Other Wanted Perosns ang nahuli sa iba’t ibang probinsya ng MIMAROPA.
Matagumpay naman naisagawa ng mga awtoridad ang 139 operasyon sa kampanya kontra ilegal na droga, kung saan nagersulta ang mga ito sa pagkakadakip sa 157 indibidwal. Dahil dito, nakumpiska ang 680.82 gramo ng shabu, 80.53 gramo ng marijuana leaves, 5.353 gramo ng marijuana kush, at 2,015.90 gramo ng cocaine na may kabuuang halaga na P15.3 milyon.
Bukod dito, naaresto rin sa walong matagumpay na anti-smuggling operations ang 22 katao at nakumpiska ang smuglled goods na tinatayang P30.4 milyon ang halaga.
Samantala, umabot naman sa 171 operasyon ang naisagawa para sa pinalalakas na kampanya laban sa loose firearms, kung saan 148 ang isinuko, 29 ang nakumpiska, at isa (1) ang narekober. Dagdag pa rito, 89 baril ang isinailalim sa safekeeping at dalawang (2) kaso ang naisampa sa korte.
Sa operasyon kontra illegal logging, nadakip ang 49 katao, kung saan labing-isang kaso ang isinampa sa korte. Nasa 21, 347 board feet ng kahoy at forest products ang nakumpiska na tinatayang nagkakahalaga ng P1.46 milyon.