Kinilala sa pangangalaga sa kalikasan, Tourism Development
Photo Courtesy: Mayor Lucilo Bayron Official FB Pages
Ni Clea Faye G. Cahayag
Muling tumanggap ng pagkilala ang Puerto Princesa City sa katatapos lamang na The Manila Times Philippine Model Cities and Municipalities Awards 2026 na ginanap noong ika-24 ng Setyembre sa The Manila Hotel sa Maynila.
Ang siyudad ay kinilala bilang Eco-Friendly City at Tourism & Culture Hub dahil sa mga pagsisikap nito upang mapangalagaan ang kalikasan gayundin ang pagpapaunlad ng turismo.
Ang parangal ay personal na tinanggap ni Punong Lungsod Lucilo Bayron.
“Last week, two days lang ako sa Puerto kasi pumunta ako ng Manila. Tumanggap tayo ng dalawang awards galing sa The Manila Times.
Nagulat ako, nu’ng first time ako nakapunta [r]oon [kakaunti] lang ang tao, this time halos puno ‘yung Manila Hotel Pavilion. Ang daming mga municipalities and cities. Tumanggap tayo ng dalawang award —Tourism and Culture Hub atsaka ‘yung Eco-Friendly City,” pahayag ng Alkalde kahapon sa flag raising ceremony ng city government.
Sa hiwalay na impormasyon mula sa City Mayor’s Office, nananatiling prayoridad ng lokal na pamahalaan ang pangangalaga sa kapaligiran at pagpapaunlad ng turismo.
Patuloy na pinalakakas ng Puerto Princesa ang mga kilalang destinasyon tulad ng Puerto Princesa Underground River at Honda Bay, pinalalawak din nito ang mga oportunidad sa Meetings, Incentives, Conferences and Exhibitions (MICE), sports, cruise, night-time at culinary tourism upang makalikha ng mas maraming oportunidad para sa lokal na ekonomiya.
Sa huli, ipinahayag ni Bayron ang pasasalamat at pagbati sa lahat ng tanggapan at departamento na naging bahagi ng pagkamit ng mga parangal.
Binigyang-diin ng Alkalde, karapat-dapat ang mga naturang parangal dahil bunga ito ng sama-samang pagsisikap ng lokal na pamahalaan.
“[D]eserve naman natin ang mga award na ‘yun kaya wala tayong masabi kundi “Congratulations” sa lahat ng mga offices; City ENRO para sa Eco-friendly, hindi lang City ENRO lahat talaga nagtulung-tulong at saka [r]oon sa Tourism & Culture Hub sa ating Tourism Office atsaka sa lahat ng ating department,” ang pagbati ni Bayron.