P2K cash allowances sa senior citizens, PWDs, iba pa
Ni Rodolfo Idusora
Aprubado na sa third and final reading ang panukalang ordinansa na nagtatakda ng P2,000 buwanang allowance para sa mga senior citizen, persons with disabilities (PWD), solo parents at barangay tanod sa lungsod.
Pinangunahan ni Konsehal Modesto “Jonjie” Rodriguez II, chairman ng Committee on Appropriations, ang paghahanda ng panukala na pormal nang inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod sa kanilang naging regular na session.
Ang dagdag na allowance ay inisyatibo ni Mayor Lucilo R. Bayron at sinuportahan ng lahat ng miyembro ng konseho.
Saklaw ng panukala ang mga kwalipikadong senior citizen, PWD, solo parent at barangay tanod na pasok sa mga itinakdang requirements ng lungsod.
Matapos ang pag-apruba sa third and final reading, isasagawa ang mga kinakailangang proseso para sa pagpapatupad ng bagong allowance.
Sa ilalim ng panukala, P2,000 kada buwan ang magiging allowance ng bawat kwalipikadong benepisyaryo.
Inaasahang ilalabas ng pamahalaang lungsod ang mga detalye sa implementasyon, kabilang ang kwalipikasyon, listahan ng benepisyaryo at iskedyul ng pagbibigay ng allowance.