Ni Samuel Macmac
Idineklara ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) ang Likas Island sa Kalayaan Island Group (KIG) bilang Critical Habitat para sa mga pawikan.
Upang palakasin ang proteksyon sa mga nanganganib na migratory species sa West Philippine Sea (WPS), inaprubahan ang deklarasyon ng Likas Island at karatig na tubig bilang Critical na Habitat para sa marine turtles sa isinagawang ika-334 na regular na pagpupulong ng PCSD.
Nakabatay ito sa serye ng scientific studies, field assessment, at konsultasyon sa mga eksperto at stakeholders. Katuwang dito ang LAMAVE, Western Philippines University (WPU), University of Sydney, at Geoscience Australia sa ilalim ng Marine Resources Initiative Project na pindondohan ng pamahalaan ng Australia.
Sa pamamagitan ng mga isinagawang pag-aaral, nakalap ang datos ukol sa nesting areas, foraging sites, kondisyon ng tirahan, at mga banta sa kapaligiran. Tumulong din ang Philippine Coast Guard (PCG) Bureau of Fisheries (BFAR), Western Command (WESCOM), at LGU ng Kalayaan sa pagkuha ng impormasyon at pagpapatupad ng konserbasyon.
Ayon naman kay Kalayaan Vice Mayor Maurice Philip Alexis Albayda, ipinapakita ng nasabing deklarasyon ang pagtupad ng Pilipinas sa mga pandaigdigang kasunduan gaya ng Convention on Migratory Species.
Matapos ang deklarasyon, magsasagawa naman ang PCSD ng management planning workshop upang bumuo ng plano para sa pangmatagalang proteksyon, pananaliksik, at pamamahala sa lugar.